ako bilang isang alagad ng sining

2 min read

Deviation Actions

randolphmaribojoc's avatar
Published:
8.3K Views
Sining. Isa sa pinakamakapangyarihang bagay sa balat ng lupa. Tila ikaw ang diyos kung ikaw ay isang alagad ng sining. Kaya mong gawin ang lahat nang iyong naisin. Kaya mong gumawa ng sarili mong kwento, ng sarili mong mga tauhan, ng sarili mong mundo.

Ako ay isang hamak na estudyanteng malakas ang libog sa sining. Isa akong alagad ng sining. Isang manguguhit, pintor, at iskultor. Gumagawa ako ng mga obra na nagpapahiwatig ng aking nararamdaman at mga saloobin. Mga obrang nagpapakita ng aking personalidad at ng aking pinaniniwalaan. Mga obrang nagkwekwento sa mga nangyayari sa lipunang aking ginagalawan.

Gumagawa ako ng mga obra upang maging masaya… at upang magpasaya sa ibang tao. Gusto kong maging inspirasyon ng aking mga inspirasyon.

Bilang isang alagad ng sining, buhay ko na ang paguhit. Sa bawat linyang aking ginagawa sa blankong papel gamit ang aking bagong tasang lapis ay nakwikwento ko ang nais kong ikwento. Sa bawat bura na ginagawa ko ay napupulido ko ang mensaheng gusto kong iparating. Matapos ang ilang guhit ng linya at mga bura ay nakakagawa ako ng mga imahe na kumakatawan sa isang mensahe. Isang imaheng katumbas ng libo-lobong salitang bumubuo ng isang kwento. Kwentong gusto kong ibahagi sa lahat ng makakakita ng aking gawa.

Para sa iba ay napakahirap ang gumuhit. Pero para sa akin ay hindi naman to gaanong mahirap basta mayroon ka lamang inspirasyon at may "libog" ka sa pagawa ng sining. Una, kailangan mo ng mga materyales. Ang pinakakailangan mo lamang ay isang lapis, pambura, at isang papel o kahit anong pwede mong masulatan. Sunod ay kailangan mo ng isang malikhaing pag-iisip. At kung mayroon ka na nito ay pwede ka nang magsimulang gumuhit ng gumuhit hanging sa mapudpod ang iyong lapis.

Pwede kang magsimula sa mga simpleng linya at mga hugis. Tapos pwede ka nang gumawa ng mga bagay na may mga detalye at disenyo. Pag marunong ka na nito ay pwede ka nang gumawa ng mga komplikadong disenyo gaya ng mga mukha, katawan, at iba pa. Basta wag ka lamang matatakot na gumuhit at magkamali dahil pwede naman itong ayusin. Kaya mong mageksperimento at kaya mong gawin ang lahat. Sabi nga, ikaw ang diyos pag ikaw ang gumuguhit. Makapangyarihan ka dahil isa kang alagad ng sining.
© 2008 - 2024 randolphmaribojoc
Comments2
Join the community to add your comment. Already a deviant? Log In
tambaylangpo's avatar
alusyon. haha...